Aguillon at Cagang, Hinirang na Lakan at Lakambini ng Wika 2025; Back-to-Back panalo para sa CBAA
- John Paul SIapel
- Aug 30
- 2 min read
Habang patuloy na naglalagablab ang init ng pagdiriwang sa kulminasyon ng Buwan ng Wika sa Bulwagan ng Mindanao State University- General Santos City (MSU-GSC), itinanghal sina Kristian James Aguillon ng Kalimudan at Micah Jeian Cagang ng Munato, na parehong mag-aaral mula sa College of Business Administration and Accountancy (CBAA) bilang bagong Lakan at Lakambini ng Wika 2025, Agosto 29.
Ngayong taon, isinabuhay ng mga kalahok mula Kalimudan, Munato, Tnalak, Kalilangan, at Kalivungan ang yaman at kagandahan ng kanilang pangkat sa pamamagitan ng pagpapamalas ng natatanging kultura at tradisyong nakikita at nauukol sa pinagmulan ng wika at kasaysayan.

© Katrina Elises
Katatagan ng Isang Lakan ng Kalimudan
Nakaramdam ng halo-halong emosyon si Aguillon nang inanunsyo ang resulta ng kompetisyon, hindi inakalang siya ang makakasungkit ng titulo.
“Ngunit higit pa sa saya at galak, ang pinakamasarap na pakiramdam ay ang maibibigay ko ang hustisya sa bawat pagod, sakripisyo, at gastos. Hindi lamang ng aking sarili kundi pati na rin ng aking mga kasama. Para sa akin, ang tagumpay na ito ay hindi lang para sa akin, kundi para sa lahat ng sumuporta at naniwala,” kaniyang ibinahagi.
Kabilang sa kanyang paghahanda ang pagkahasa sa pakikipagtalastasan at komunikasyon, na isa sa kanyang pangunahing kahinaan.
“Sa bawat ensayo at pag-aaral, natutunan kong ang tunay na lakas ay hindi lamang sa ganda o talento, kundi sa tapang na harapin ang sariling limitasyon,” kaniyang tinuran.
Nagpapasalamat si Aguillon sa lahat ng nakibahagi sa kanyang paglalakbay bilang isang lakan, kasama na ang Pangkat Kalimudan dahil sa buong suportang ipinakita nila.
Determinasyon ng Lakambing mula sa Munato
Gayunpaman, isang karangalan kung ituring ni Cagang ang kanyang pagiging lakambini, na nagbibigay sa kanya ng pagkakataong maipakita ang yaman ng Pangkat Munato.
“Hindi man lang pumasok sa aking isipan na ako ay may kakayahang sungkitin ang korona sapagkat alam naman nating di hamak ang aking mga kasama sa entablado, mga kapwa kandidata, na napakahusay at kaming lahat ay mayroon ng karanasan sa larangang iyon,” kaniyang sinambit..
Pusong puno ng determinasyon at pagpapakatotoo ang kaniyang baon sa patimpalak, kabilang na ang paglaban sa negatibong isipan para kaniyang pangkat
“Determinasyon naman ang naging susi upang malabanan ko ang negatibong isipan na meron ako, naging dahilan kung bakit ako ay matagumpay na lumaban, hindi lamang para sa aking sarili, kundi para narin sa pangalang aking dinadalang pangkat,” kaniyang binigkas.
Taos pusong pasasalamat ang kaniyang nais ibahagi sa kanyang mga kasamahan, na naniniwala at nagbibigay gabay sa kanya upang makamtan kung anumang tagumpay na nakamit niya sa ngayon.
Kulminasyon ng Pagkakaisa
Itinanghal din ang mga lakan na sina Jhon Bien Gimpayan ng Pangkat Munato bilang pangalawa sa pagkapanalo, at si Mark Ibarita ng Pangkat Kalilangan bilang pangatlo sa trono.
Bilang karagdagan, ginawaran din ang mga lakambing sina Christine Joy Espregante (Pangkat Tnalak) at Megumie Siarot (Pangkat Kalilangan) bilang pangalawa at pangatlo sa korona, ayon sa pagkakabanggit.
Ang patimpalak ay kabilang sa taunang selebrasyon ng Buwan ng Wika 2025 na pinangunahan ng Departamento ng Filipino ng MSU-GENSAN at Sentro ng Wika at Kultura ng Rehiyon Dose, Samahan ng mga Mag-aaral sa Filipino (SABFIL) at Samahan ng Filipino sa Edukasyon (SAFE) Wikapedians.
Isa sa misyon ng patimpalak ang paglinang at pagpapakilala sa wikang makikita sa Rehiyon Dose, dahilan upang mapagbuklod ang iba't ibang pangkat tungo sa isang ligtas, inklusibo at mapayapang lipunan.





Comments