top of page

Pagyaman ng wika, kultura ibinida sa pagtatapos ng pyestang selebrasyon ng BnK 2025

Kasabay ng paglubog ng araw sa Sulnópan, kasabay ring naramdaman ang yaman ng wika, mula sa hiyawan, palakpakan, maging sa indayog na puno ng enerhiya ng iba't-ibang pangkat ng mga mag-aaral sa pagdiriwang ng ‘Buwan ng Wika 2025’ ngayong Agosto 29, sa loob ng bulwagan ng himnasyo ng Mindanao State University-General Santos City (MSU-GSC).


Ang nasabing aktibidad ay binubuo ng limang pangkat — Kalimudan, Kalilangan, Kalivungan, Tnalak, at Munato — ng mga estudyanteng patuloy na pinapagyaman ang wika at pinayayabong ang kulturang Mindanaoan sa pamamagitan ng naturang selebrasyon.


ree

© Katrina Elises


“May mahalagang parte ng paghubog ng kasaysayan ang wika,” ito ang naging mensahe ni kgg. Lovely Joy Quije sa kanyang pambungad na pananalita sa nasabing kaganapan.


“Ang tunay na diwa ng buwan ng wika ay nakasalalay sa ating pagpapahalaga, pagtataguyod at pagmamahal sa sariling atin,” saad ni Quije.


Angkop sa temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” ang naturang selebrasyon na napuno ng iba't-ibang kompetisyon at aktibidad na may iisang layunin, ang liripin at pagyamanin ang wikang pambansa.


Pangkat Munato inuwi ang kampeonato


Tiniyak nilang berde ang kulay ng kampeonato matapos ipamalas ang kanilang lunggating manalo, sa huli matagumpay na nasungkit ng Pangkat Munato ang tropeyo bilang pangkalahatang kampeon sa ginanap na Buwan ng Wika 2025.


“Unexpected,” ganito inilarawan ni Bb. Ryzel Monacillo, lider ng pangkat Munato, ang kanilang pagkapanalo sa nasabing patimpalak.


“Isa sa mga dahilan kung bakit nakuha ng aming pangkat ang unang pwesto ay ang matibay na pagkakaisa at walang sawang dedikasyon ng bawat isa sa amin. Hindi lamang ito tungkol sa talento o galing ng aming mga miyembro, kundi sa sama-samang pagsisikap at pagtutulungan,” ayon sa kanya.


Dagdag niya, bawat isa sa kaniyang miyembro ay nagsakripisyo na nagresulta sa isang “makulay at matagumpay” na pagkapanalo.


“Ang tagumpay na ito ay hindi lang bunga ng pagsisikap, kundi simbolo ng pagkakaisa at pagmamahal ng aming pangkat sa Wika,” dagdag ni Monacillo.


Samantala, naiuwi naman ng pangkat Kalimudan ang ikalawang pangkalahatang pwesto, matagumpay ring nasungkit ng pangkat Kalilangan ang ikatlong pangkalahatang pwesto, sumunod ang pangkat Tnalak at pangkat Kalivungan.


Wikaalaman: Pakulong puno ng kaalaman


Kasanag, Marinawa, Lirip…


Iilan lamang ito sa mga salitang tampok sa pakulong hatid ng Departamento mg Filipino kasama ang iba't-ibang organisasyon na siyang nangunguna sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025, ang mga salita ay naka-post sa opisyal na page ng organisasyon na nagsisilbing tagapaghatid ng bagong kaalaman sa mga iskolar ng bayan.


Ang pangunahing layunin ng organisasyon sa inisyatibong ito ay linangin ang kaalaman ng bawat mag-aaral ng pamantasan sa kanilang kakayahan sa wikang pambansa, ang wikang Filipino.


 
 
 

Comments


bottom of page