top of page

Reapers, winakasan ang kampanya ng Asteegs sa darts pangkababaihan; inhinyero, bumawi sa kompetisyong pangkalalakihan

Photo by: Jibrylle Mohammad, Krystelle Blanche Manlangit
Photo by: Jibrylle Mohammad, Krystelle Blanche Manlangit

Tuluyan nang tinuldukan ng darters ng College of Agriculture (COA) Reapers ang kampanya ng College of Engineering (COE) Asteegs throwers sa kompetisyon ng darts ng 2025 Intramurals matapos nilang sipatin ang gintong medalya sa bisa ng 3–2, sa kategorya ng women’s doubles, sa Himnasyo ng Pamantasan, Oktubre 13.


Tinapos ng unang tapon ni Mary Deaneth Capulong ng Reapers nang eksaktong mag-landing ito sa double 20 puntos—dahilan upang masungkit nila ang kanilang kauna-unahang gintong medalya sa paligsahan ng darts.


“Labay lang jud, and always nako gina-ingon sakong partner na if dili ni para sa amo, mubawi ta sunod,” saad niya sa isang interview.


Ibinahagi rin niya na palagi niyang pinaaalalahanan ang kanyang kapareha na patuloy lang sa paglalaro, at kung hindi man sila palarin sa pagkakataong iyon, babangon at babawi sila sa susunod.


Sa kabilang banda, mabilis namang inangkin ng mga inhinyero ng College of Engineering (COE) Asteegs ang panalo matapos asintahin ang 2–0 whitewash kontra College of Fisheries and Aquatic Science (CFAS) Anglers sa katatapos lamang na men’s dart championship game.


Nanguna ang koponan ng Asteegs sa liderato ng kanilang kapitan na si Cyrus Manriquez, na siyang naging pundasyon ng grupo—resulta upang maitala ang isang flawless run sa buong kategorya.


“Gibuhat lang namo among best, focus lang gyud mi kada labay,” ani Manriquez matapos ang laban.


Paglapag ng bagong reyna


Sinimulan ng Reapers ang laban na may kumpiyansa nang matalo ang Asteegs sa isang twice-to-beat match, 2–1—tulay upang muling magharap ang magkabilang panig sa isang best-of-five na labanan.


Agad na bumwelto ng 24–141 kalamangan ang mga Asteegs sa unang leg ng laban, dahilan upang mapasakamay nila ang unang kanto, 1–0.


Mainit namang sinimulan ang ikalawang leg na may malaking agwat ng kalamangan sa panig ng Reapers, 16–118, na hindi na nila pinalagpas at tuluyang kinuha ang set, 1–1.


Tuloy ang palitan ng mga swak at saktong tapon ng magkabilang panig. Muling kumuha ng isang set ang Asteegs mula sa kanilang 4–238 dominasyon, na agad sinundan ng isang double four puntos na bitaw, 2–1; habang isang double 16 puntos na tapon ang nagsiguro ng panalo para sa kanilang itinalang 32–167 bentahe, 2–2.


Subalit, namayagpag ang koponan ng Reapers pagsapit ng panghuli at ikalimang set matapos tumipa ng 40–148 kalamangan—agad naman itong tinapos ni Capulong nang tumuhog ito ng krusyal na double 20 puntos, dahilan upang masiguro ang gintong medalya.


Habang napako naman sa bronseng medalya at ikatlong puwesto ang College of Education matapos matuhog sa 1–2 talo kontra Reapers.


Hari ng oche


Walang mintis na inangkin ng mga inhinyero ang unang leg ng laban sa pamamagitan ng mga swabeng tapon nina Manriquez at Delfin, dahilan upang mapasakamay nila ang kalamangan at umabante sa ikalawang leg na may momentum.


Hindi paawat ang mga nag-iinit na kamay ng Asteegs throwers, muli nitong sinigurado ang panalo sa pangalawang tapatan ng laban—dahilan upang walang kahirap-hirap nilang inangkin ang gintong medalya ng kategorya at ipitin sa ikalawang ranggo ang Anglers.


Lalong pinagtibay ng mga taga-hagis ng COE ang kanilang pangalan sa patimpalak nang matagumpay nilang maipagtanggol ang trono at pulidong mapanatili ang kampeonato sa kanilang kamay.


 
 
 

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page