top of page

SDG nagdaos ng unang General Assembly; mga plano inilatag, torneo at pondo tinukoy

Bilang panimula sa pagbubuo ng matibay na programa at palaro, isinagawa ng Sports Development Group (SDG) ng Mindanao State University–General Santos City ang pagtitipon ng mga atleta sa kanilang unang General Assembly noong Agosto 29, 2025 na ginanap sa OSA Building.


Sa pagpupulong, iginiit ng mga atletang mag-aaral ang kahalagahan ng tapat at bukas na pamumuno at  pagsasagawa ng mga paligsahan bilang hakbang tungo sa mas inklusibo at mas aktibong pamayanang pampalakasan.


ree

© Katrina Elises


Bilang kauna-unahang samahan ng mga manlalaro sa unibersidad, nagtipon ang grupo upang pormal na talakayin ang kanilang mga plano, kabilang ang paglahok sa lokal at panrehiyong torneo.


Ipinaalala ng tagapayo ng SDG, John Carl Pulia, na pagkakataon ang pagtitipon para maglatag ng mas matibay na pundasyon para sa kultura ng palakasan sa institusyon.


“This GA can serve as the launchpad for a strong, sustainable sports culture in MSU-GSC — where excellence is not measured only by victories, but also by the discipline, leadership, and unity built along the way,” saad ni Pulia.


Naging sentro ng diskusyon ang klaripikasyon sa pondong nakolekta, ang bagong varsity shirt, at ang pagsasagawa ng mga torneo tulad ng 1st Mayari Women’s Futsal Invitational Cup at 2nd MSU-GenSan Sepak Takraw Open Tournament gayundin ang pagsisiyasat ng mga kasapi kung paano nag-uugnay ang bawat proyekto sa layunin ng SDG.


Sa nasabing pagtitipon, winika ng mga bagong opisyal ang kanilang pangako na paigtingin ang kulturang pampalakasan sa pamantasan sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa paghubog ng atleta at pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga manlalaro.


Ipinunto ni Mearylyn Vargas, Pangulo ng SDG, na naging mahalaga ang pagtitipon upang linawin ang mga programa at suporta para sa pag-unlad ng mga kasapi.


Aniya, “[Kari na General Assembly] makahatag sailaha og klarong pagsabot sa mga programa, resources, ug suporta aron makatabang nila sa pagpa-improve sa ilang skills, disiplina, ug overall performance.”


Dagdag pa ni Vargas, mahalaga ring makita ng mga manlalaro na handa ang grupo na sumuporta sa kanilang pag-unlad; nagsisilbi itong plataporma para sa paglago ng kumpiyansa at kakayahan.


Binigyang-diin ni Janis Antoinette Pinque, Pangalawang Pangulo ng SDG, ang kahalagahan ng pagtitipon bilang pagkakataon hindi lamang para sa mga mag-aaral kundi para palakasin ang suporta sa samahan.


“The GA can contribute to the long-term pursuit of sports excellence in the whole MSU-Gensan SDG community. This, in turn, can attract more organizations to partner and support SDG’s future programs,” pahayag ni Pinque.


Dahil sa limitadong pondo ng grupong may 265 na miyembro, tinalakay sa general assembly ang papel ng support funds mula sa SDG at SSC, pati na rin ang sponsorship mula sa labas upang pondohan ang mga aktibidad tulad ng 2nd MSU-GenSan Sepak Takraw Open Tournament at suportahan ang muling pagsali sa MASTS Friendship Games.


Iginiit ni Pulia na normal para sa bagong tatag na samahan ang kakulangan sa pondo at kagamitan; kaya’t isa sa pangunahing hakbang ang pagbuo ng plano para mapalago ang pondo at matugunan ang pangangailangan.


“Above all, even with limited resources, the officers must remain honest and transparent with the members. They should be open about budget limitations and actively involve everyone in decision-making, because when members witness honesty and effort, they are more likely to be understanding and cooperative,” ani Pulia, tagapagpayo ng SDG.


Ipinunto rin ng mga opisyales ang pangangailangan ng mga hakbangin tulad ng sustainable at income-generating projects, gayundin ang paggamit ng kanilang koneksyon at paghahanap ng tagasuporta upang mabawasan ang gastusin sa logistics at kabuuang budget ng SDG.


Kinilala ng mga opisyales na dapat ipakita sa mga miyembro kung paano nakakaapekto ang bawat proyekto sa kanilang karanasan at pagganap bilang atleta.


Nagtapos ang kaganapan sa pagpapatibay ng pagkakaisa ng mga atleta at sa pagpapaigting ng mga programang magbibigay-daan sa mas maraming kompetisyon sa hinaharap.


 
 
 

Comments


bottom of page